tl_obs/content/12.md

59 lines
4.3 KiB
Markdown

# 12. Ang Paglisan
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-01.jpg)
Masayang-masaya ang mga Israelita sa pag-alis nila sa Egypt. Sa wakas hindi na sila alipin at papunta na sila sa Lupang Pangako! Lahat ng hiningi ng mga Israelita ay ibinigay ng mga Egipcio, maging ginto man, pilak at iba pang mamahaling mga bagay. Pati ilang dayuhan na nakatira sa Egypt na naniwala na rin sa Diyos ay sumama sa pag-alis ng mga Israelita sa Egypt.
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-02.jpg)
Ginabayan ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng haliging ulap na nangunguna sa kanila sa araw at nagiging apoy pag gabi. Kasama nila palagi ang Diyos na gumagabay sa kanilang paglalakbay. Ang kailangan lang nilang gawin ay sumunod sa kanya.
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-03.jpg)
Hindi nagtagal nagbago ang isip ng Paraon at ng mga tauhan niya at gusto nilang maging aliping muli ang mga Israelita. Pinagmatigas ng Diyos ang Paraon para maipakita sa mga tao na siya ang Nag-iisa at Tunay na Diyos at para malaman ng mga tao na siya, Si Yahweh (Diyos), ay mas makapangyarihan sa Paraon at sa mga diyos niya.
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-04.jpg)
Hinabol ng Paraon at ng mga sundalo niya ang mga Israelita para alipinin silang muli. Nang makita ng mga Israelita ang mga sundalo ng Egypt na parating, naisip nila na wala silang mapupuntahan dahil nasa pagitan sila ng sundalo at Dagat na Pula. Takot na takot sila at sinabi, “Bakit kasi tayo umalis sa Egypt? Mamamatay tayo!”
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-05.jpg)
Sinabi ni Moses sa mga Israelita, “Huwag kayong matakot! Ililigtas tayo ng Diyos sa araw na ito, at siya ang lalaban para sa atin!” Sinabi naman ng Diyos kay Moses, “Sabihin mo sa mga tao na lumakad sila patungo sa Dagat na Pula.”
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-06.jpg)
Kaya inilipat ng Diyos ang haliging ulap para iharang sa pagitan ng mga Israelita at mga Egipcio para hindi nila makita ang mga Israelita.
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-07.jpg)
Sinabi ng Diyos kay Moses na itaas niya ang kanyang kamay paharap sa dagat at mahahati ang tubig. Gumamit ang Diyos ng malakas na hangin para mahati ang tubig sa dagat kaya nagkaroon ng daan.
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-08.jpg)
Tumuloy ang mga Israelita at naglakad sa tuyong lupa sa dagat at naging parang pader ang tubig sa magkabilang gilid nila.
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-09.jpg)
Pagkatapos inalis ng Diyos ang ulap para makita na ng mga Egipcio na tumatakas ang mga Israelita kaya nagpasya sila na habulin ang mga Israelita.
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-10.jpg)
Kaya sinundan ng mga Egipcio ang mga Israelita at naglakad sa tuyong daan sa dagat. Gumawa ng paraan ang Diyos para mataranta sila at ang kalesa nila ay hindi makausad kaya nagsigawan sila at sinabi, “Umatras na tayo dahil ipinaglalaban ng Diyos ang mga Israelita!”
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-11.jpg)
Pagkatapos makatawid ang mga Israelita at makarating ng ligtas sa kabilang pampang, sinabi ng Diyos kay Moses na itaas niyang muli ang kanyang kamay. Sinunod ito ni Moses at bumalik ang tubig sa dati. Nalunod ang lahat ng mga sundalo ng Egypt.
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-12.jpg)
Nang makita ng mga Israelita na patay na ang mga Egipcio nagtiwala sila sa Diyos at naniwala din sila na si Moses ay propeta nga ng Diyos.
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-13.jpg)
Dahil sa labis na kasiyahan nagdiwang sila sapagkat iniligtas sila ng Diyos sa tiyak na kamatayan at sa pagiging alipin! Malaya na silang makakapaglingkod sa Diyos. Kumanta ng maraming awit ang mga Israelita para ipagdiwang ang kalayaan nila at para papurihan ang Diyos dahil sa pagligtas niya sa kanila mula sa mga sundalo ng Egypt.
![OBS Image](https://cdn.door43.org/obs/jpg/360px/obs-en-12-14.jpg)
Iniutos ng Diyos sa mga Israelita na ipagdiwang nila taun-taon ang “Paskua” para maalala nila na pinagtagumpay sila ng Diyos laban sa mga Egipcio at iniligtas sila sa pagkakaalipin. Nagdiwang sila kaya nagkatay sila ng tupa na walang kapintasan at kinain nila ito kasama ng tinapay na walang pampaalsa.
_Kwento mula sa Exodus 12:33-15:21_